Explainer: What you need to know about stricter GCQ and NCR Plus Bubble
March 23, 2021 - Jet Hitosis
Kasunod ng pagtatala ng lampas 7,000 bagong nahawahan ng COVID-19 sa bansa sa nakalipas na tatlong araw, naghigpit pa ang gobyerno sa ipinatutupad na General Community Quarantine (GCQ) restrictions sa National Capital Region (NCR) at sa mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Simula ngayong Lunes, March 22, hanggang sa April 4, ipatutupad ang mas istriktong GCQ guidelines sa nabanggit na mga lugar—na tinawag na NCR Plus Bubble.
Sa bisa ng Resolution No. 104 ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, mahigpit na ipagbabawal ang paglabas at pagpasok sa NCR Plus Bubble sa mga non-essential travels.
Layunin nitong ma-contain ang COVID-19 cases sa Metro Manila, kung saan naitatala ang pinakamaraming dinadapuan ng virus sa nakalipas na mga linggo.
WHO CAN LEAVE & ENTER THE BUBBLE?
Tulad ng dati, papayagang tumawid sa NCR Plus Bubble ang mga authorized persons outside their residences (APOR), bagamat may konsiderasyon din sa ilang exceptions.
Ang mga APOR ay ang sumusunod:
Health at emergency frontline services personnel
Papasok sa trabaho o pauwing essential workers, na dapat magprisinta ng ID
Mga opisyal ng gobyerno at government frontline personnel
Mga awtorisadong humanitarian assistance actors
Samantala, papayagan ding tumawid sa NCR Plus Bubble ang mga sumusunod:
Kailangang bumiyahe para sa medical at humanitarian reasons
Papunta sa airport para sa biyahe
Mga returning overseas Filipinos o overseas Filipino workers na pauwi sa bahay
Sa Malacañang press briefing ngayong Lunes, nilinaw ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Lieutenant General Guillermo Eleazar na walang ipatutupad na mobility restrictions sa loob ng NCR Plus Bubble.
Paliwanag niya, "Checkpoints in NCR are not to restrict movement.
"Within the bubble, the movement is not restricted. It is only when crossing the border that we will be strictly monitoring."
LIFE INSIDE THE BUBBLE
Sa ilalim ng mas istriktong GCQ, tuluy-tuloy pa rin ang serbisyo ng lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.
Inirekomenda naman ng IATF sa publiko na gumamit ng bisikleta sa pagbibiyahe.
Kung malapit lang ang pupuntahan, mas mainam daw kung maglakad na lamang.
Magpapatuloy ang operasyon ng mga negosyo, pero pananatilihin pa rin ang 30% hanggang 50% na operational at on-site capacity.
Hinihikayat ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang pagpapairal ng alternatibong working arrangements sa mga empleyado, tulad ng work-from-home at staggered working hours set-up.
Kasabay nito, mahigpit na ipagbabawal ang mga personal na paghaharap at face-to-face meeting sa lugar ng trabaho.
Bawal din ang sama-sama o magkakaharap na pagkain ng mga empleyado.
ADDITIONAL RESTRICTIONS UNDER GCQ
Alinsunod sa IATF Resolution No. 104, mahigpit na ipinagbabawal sa NCR Plus Bubble ang mga sumusunod:
Mass gathering, kabilang ang may kinalaman sa religious practice. Sa mga pagtitipong tulad ng kasal, binyag, at libing, 10 katao lang ang maaaring dumalo.
Indoor dining sa mga restaurant, na lilimitahan ang serbisyo sa takeout at delivery. Papayagan naman ang al fresco o outdoor dining, pero dapat mahigpit na tumatalima sa minimum health protocols.
Operasyon ng mga sinehan, game arcade, driving school, library, museum, cultural center, at mga limitadong social events at establisimyentong accredited ng Department of Tourism (DOT).
Anumang uri ng sabong, maging sa mga lugar na nasa modified general community quarantine (MGCQ).
Paglabas ng bahay simula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
STAYING HEALTHY AT HOME
Ngayong dumadami muli ang mga nagpopositibo sa COVID-19, kinakailangang manatili sa loob ng bahay ang mga sumusunod:
Edad 18 pababa at 65 years old pataas
May mga immunodeficiency, comorbidity, at iba pang delikado ang kalusugan
Mga buntis
Samantala, mariing iminumungkahi ng IATF ang hindi pagtanggap ng sinumang bisita sa loob ng bahay sa ngayon.
Ipinapayo rin ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay kung may mga kasamang matatanda, may sakit, buntis, bata, at iba pang nasa high-risk group.
Ngayong Lunes, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 8,019 bagong kaso ng COVID-19.
Ito ang pinakamataas na new COVID-19 infections na naitala simula noong January 30, 2020.
Dahil dito, lumobo na sa 671,792 ang total confirmed COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa bilang na ito, 80,970 ang kasalukuyang ginagamot, habang 12,972 na ang namatay.